Ang 7 Pinaka-nakamamanghang Record sa Chess

Ang 7 Pinaka-nakamamanghang Record sa Chess

Ang mga record ay nagbibigay inspirasyon sa atin upang pagsumikapan ang kadakilaan. Ang mahabang legacy ng chess ay nagbigay ng mga record na tumagal ng ilang dekada, at ang ilan naman ay maaaring manatali pa ng ilang siglo.

Narito ang pito sa mga pinaka-nakamamanghang record sa chess na naitala sa kasaysayan.

Pinakamahabang Sunud-sunod na Panalo: Kampeon ng Mundo Bobby Fischer - 20 (o 19?) Laro

Bobby Fischer, World Chess Champion

Si Bobby Fischer, may hawak ng world-record sa pinakamaraming sunud-sunod na panalo sa master chess. | Larawan: Wikipedia.

Sa labanang pangkampeonato na sa huli'y humantong sa laban nya kay Boris Spassky, gumawa si Bobby Fischer ng pambihirang 20 panalo laban sa pinakamahuhusay na kompetisyon. Sinimulan nya ang ratsada sa Palma de Mallorca Interzonal nung 1970 kung saan tinapos nya ang paligsahan sa pitong sunud-sunod na panalo. Dahil nag-forfeit si Oscar Panno, ang ilang mananalaysay ng chess ay hindi isinasama ang larong ito.

Sa sumunod na labanan ng mga Candidates nung 1971, tinalo ni Fischer si Mark Taimanov at Bent Larsen sa perpektong iskor na 6-0. Ang sumunod na unang panalo nya laban kay Tigran Petrosian ay sinundan ng talo sa pangalawang laro, at doon natapos ang kanyang sunud-sunod na panalo.

Nagpatuloy si Fischer at madaling tinalo si Petrosian at Boris Spassky para maging kampeon ng mundo sa chess.

Mga Karapat-dapat Banggitin:

  • Kampeon ng Mundo Bobby Fischer - 11/11 sa 1963/4 U.S. Championship
  • GM Fabiano Caruana - Pitong Panalo sa 2014 Sinquefield Cup

Pinakamahabang Sunud-sunod na Walang Talo: Kampeon ng Mundo Mikhail Tal – 95 laro

Mikhail Tal, World Chess Champion

Si Mikhail Tal, may hawak ng world-record sa pinakamahabang sunud-sunod na laro ng mga master na walang talo. | Litrato: Wikipedia.

Sumikat si Mikhail Tal sa kanyang malikhaing estilo sa pag-atake, na buo nyang ipinakita nung kanyang 1960 pangmundong kampeonato laban kay Mikhail Botvinnik. Sa pagkapanalo nya sa labang iyon, sya ay naging pinakabatang kampeon ng mundo sa edad na 23: isang record din, na nanatiling nakatayo hanggang sa tinalo ni Garry Kasparov si Anatoly Karpov nung 1985 sa edad na 22.

Ang career ni Tal ay binagabag ng problemang pangkalusugan at dahil sa kanyang inconsistent na porma ay maaaring hindi mapansin ng iba ang kanyang hindi kapani-paniwalang mga huling taon. Sa pagitan ng Oktubre 23, 1973 at Oktubre 16, 1974, gumawa sya ng 95 laro na walang talo, isang pambihirang achievement na wala pang nakakalapit na mapantayan.

Mga Karapat-dapat Banggitin:

  • Mikhail Tal (ulit!) – 85 Laro mula Hulyo 1972 hanggang Abril 1973
  • Kampeon ng Mundo José Raúl Capablanca – 63 Laro mula Pebrero 10, 1916 hanggang Marso 21, 1924

Pinakamatagal na Nagharing Kampeon ng Mundo: Emanuel Lasker – 27 Taon

Emanuel Lasker, World Chess Champion

Si Emanuel Lasker, pinakamatagal na nagharing kampeon ng mundo. | Larawan: Wikipedia.

Naging pangalawang kampeon ng mundo si Emanuel Lasker nang talunin nya si Wilhelm Steinitz nung 1894. Napanatili nya ang kanyang titulo hanggang sa talunin sya ni Jose Raul Capablanca nung 1921. Nagpatuloy sya sa paglalaro at nag-perform sa mga paligsahang elite nung 1930s. Madalas sinasabi na humaba ang paghahari ni Lasker dahil sa pagpapaliban ng mga laban nya kay Rubinstein at Capablanca nung Unang Digmaang Pandaigdig. Kahit hindi bilangin ang mga taong iyon, ang paghahari ni Lasker ay mananatiling higit na mas mahaba kumpara sa ibang mga kampeon.

Mga Karapat-dapat Banggitin:

  • Kampeon ng Mundo Garry Kasparov – 15 Taon mula 1985 hanggang 2000
  • Kampeon ng Mundo Mikhail Botvinnik – 13 Hindi Sunud-sunod na Taon mula 1948 hanggang 1963

Pinakamataas na Elo na Naitala sa Kasaysayan: Kampeon ng Mundo Magnus Carlsen – 2882

Magnus Carlsen, World Chess Champion

Ang Kampeon ng Mundo na si Magnus Carlsen, ang pinakamataas na rated na manlalaro sa buong kasaysayan. | Larawan: Maria Emelianova.

Ginawa ni Magnus ang markang ito nung Mayo 2014 sa listahan ng FIDE. Naabot pa nya ang mas mataas na markang 2889 sa unofficial listahan ng live ratings. Ikinakatwiran ng iba na ang mga record na ito ay walang kabuluhan dahil sa rating inflation, pero ang pagsusuri ng Chess.com ay nagpapakita na ang skills sa chess ay patuloy sa paghusay sa paglipas ng panahon.

Habang sinusulat ito, 12 manlalaro pa lamang ang nakarating sa rating na 2800. Si Carlsen lang ang manlalarong halos umabot sa 2900.

Mga Karapat-dapat Banggitin:

  • Kampeon ng Mundo Garry Kasparov – 2851 nung Hulyo 1999
  • GM Fabiano Caruana – 2844 nung Oktubre 2014

Pinakabatang Manlalaro Na Naging Grandmaster: GM Sergey Karjakin – 12 Taon, Pitong Buwan

Sergey Karjakin, Chess Prodigy

Si GM Sergey Karjakin, ang pinakabatang grandmaster sa buong kasaysayan. | Larawan: Maria Emelianova.

Si Karjakin, sa panahon ng paglalathalang ito, ay ang tanging manlalaro na nagkaroon ng titulong grandmaster sa edad na 12 taong gulang. Naranasan ni Karjakin ang kanyang unang pangkampeonatong labanan nung sya ay kaka-12 taong gulang pa lamang, nang magsilbi sya bilang second ni Ruslan Ponomariov sa kanyang FIDE world championship match laban kay Vasily Ivanchuk.

Nung 2016, nagkaroon ng sarili nyang pagkakataon si Karjakin na lumaban sa pandaigdigang kampeonato, kalaban si Magnus Carlsen. Sa huli ay dinesisyunan ang laban sa pamamagitan ng rapid tiebreaks na pumabor kay Carlsen pagkatapos ng 6-6 tabla sa loob ng 12 klasikong laro, na ang bawat manlalaro ay may isang panalo.

Mga Karapat-dapat Banggitin:

  • Kampeon ng Mundo Bobby Fischer – 15 taon, 6 buwan, 1 araw nung 1958
  • GM Judit Polgar – 15 taon, 4 buwan, 28 araw nung 1991

Pinakamaraming Simultaneous Games: GM Ehsan Ghaem Maghami – 604 Laro

Ehsan Ghaem Maghami, Simultaneuos Chess

Si GM Ehsan Ghaem Maghami, may hawak ng world-record sa simultaneous chess. | Larawan: Wikipedia.

Ang isang simultaneous exhibition ay isang set ng mga sabay-sabay na laro kontra sa maraming kalaban. Kadalasan ang mga kalaban ay nakaupong pahilera o paikot at ang master ay iniikutan ang mga manlalaro, tumitira laban sa bawat kalaban bago pupuntahan ang kasunod.

ESi Ehsan Ghaem Maghami, ang siyam na beses na Kampeon ng Iran, ay naglaro ng kamangha-manghang 604 simultaneous na kalaban para angkinin ang world record sa pinakamaraming simultaneous na kalaban. Napanalunan nya ang 580 laro, ang tabla ay 16 laro lamang at walong talo sa isang simultaneous exhibition sa Tehran, Iran. Ang exhibition ay ginanap nung Pebrero 8-9 ng 2011 sa sports stadium ng Shahid Beheshti University.

Mga Karapat-dapat Banggitin:

  • Susan Polgar – 326 Kalaban, Pumuntos ng 309 Panalo, 14 Tabla, 3 Talo nung 2005
  • José Raúl Capablanca – 103 Kalaban, Pumuntos ng 102 Panalo, 1 Tabla nung 1922

Pinakamaraming Simultaneous Games na Nakatakip ang Mata: GM Timur Gareyev – 48 Laro

Timur Gareyev, Blindfold Chess

Si Timur Gareyev, may hawak ng world-record sa chess na nakatakip ang mata. | Larawan: Mike Klein.

Isa sa mga kahanga-hangang kakayahan sa chess ay ang chess na nakatakip ang mata. Sa larong nakatakip ang mata, ang manlalaro ay hindi pinapayagang tumingin sa board. Ang mga manlalaro ay kailangang tandaan ang buong posisyon sa isip nila habang ang mga tira ay ipinapahayag gamit ang chess notation. Sa simultaneous exhibition na nakatakip ang mata, ang nagbibigay ng exhibition ay dapat tandaan ang lahat ng mga posisyon sa isip, isang kamangha-manghang kakayahan sa chess at konsentrasyon.

Si Timur Gareyev ay nag-set ng bagong world record sa ganitong format nung Disyembre 3–4 ng 2016 nang nakipaglaro sya sa 48 kalaban nang sabay-sabay. Pumuntos sya ng 35 panalo, pitong tabla, at anim na talo. Buhaying muli ang karanasan gamit ang report ng Chess.com sa pagtatangkang ito sa world record.

Mga Karapat-dapat Banggitin:

  • FM Marc Lang – 46 kalaban nung 2011
  • GM Miguel Najdorf – 45 kalaban nung 1947

Inspirado ka bang simulan ang iyong mga sariling chess record? Gumawa ng account sa Chess.com at simulang matuto ng chess ngayon!